Sen. Manny Pacquiao on his wish for 2017: "More blessings from the Lord and good health, and of course peace of mind."
Ipinagkibit-balikat lang ni Senator Manny Pacquiao ang biro ni President Rodrigo Duterte na ang Pambansang Kamao raw ang susunod na Pangulo pagkatapos ng kanyang termino.
Pahayag ni Manny, “Wala sa isipan natin ‘yan.
“Basta ang atin ay gampanan natin ang trabaho natin, kasi ‘yan man yung purpose natin na nandiyan tayo sa posisyon natin.
“Wala naman tayong hangad kundi ipakita ang tamang pagserbisyo at katotohanan sa taumbayan.”
Dagdag niya, “Alam niyo, sa abot ng aming makakaya, tutulong ako. Yun naman ang ginagawa natin lagi.
“So, happy ako na nagtiwala sa akin yung sambayanang Pilipino at ginagawa ko ang lahat para hindi sila madismaya at mawalan ng halaga ang pagtiwala nila sa akin.”
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Manny sa grand opening ng pangatlong branch ng Ka Tunying’s Cafe, na matatagpuan sa Food Hall ng NAIA Terminal 3, kahapon, December 28.
Kahapon lang din dumating ang Pambansang Kamao mula sa Christmas vacation nilang pamilya sa South Korea.
Dapat ay tutuloy sila ng General Santos City, pero kailangan daw niyang pagbigyan ang paanyaya ng kumpare niyang si Anthony 'Ka Tunying' Taberna at misis nitong si Rossel Taberna.
Si Ka Tunying ay ninong ng anak ni Manny na si Israel.
CHRISTIAN MOVIE. Ang isa sa binabalak ni Manny sa taong 2017 ay makabalik siya sa showbiz.Puwede raw siyang magkaroon ng TV show. Pero ang isa sa binabalak niya ay makapag-produce ng isang Christian movie.
Saad ng boxer-politician, “Depende sa story.
“Gusto ko mag-produce gaya ng story ng Joseph the Dreamer, Daniel o King Jehoshaphat... maraming mga story, e.”
Hindi naman daw kailangan siya ang gaganap, basta ang mahalaga ay makapag-produce siya ng ganung klaseng pelikula.
“Gusto ko yung makapagbigay inspirasyon sa mga tao.
“Wala kasi yung movie na ‘yan na makapagbigay inspirasyon sa mga tao, lalo na sa mga kabataan,” pakli niya.
Pati ang panganay niyang anak na si Jimuel ay mukhang balak ding pasukin ang showbiz o baka modelling daw muna.
“Pero focus muna sila sa school ngayon,” sabi ni Manny.
“Sabi ko naman sa kanila, kapag malapit na silang matapos, saka sila mag-start ng showbiz.
“Pero ang gusto naman ni Jimuel, mag-modelling.”
CHURCH BUILDING. Bukod sa Christian movie na binabalak niya, ibinahagi rin ni Manny na malapit nang matapos ang building na ipinapatayo niya sa GenSan.
“Church building yun na kung saan yung mga believers, makapag-worship doon,” aniya.
Malaki ang pasasalamat ng Pambansang Kamao dahil maganda raw ang taong 2016 para sa kanya.
Naniniwala siyang lalo pa siyang mabiyayaan ng Panginoon sa taong 2017.
“2017, I believe, more blessings from the Lord and good health, and of course peace of mind,” sagot niya sa tanong namin kung ano hiling niya sa Diyos para sa susunod na taon.
Dagdag pa ni Manny, “Ipinapaubaya ko na lang sa Panginoon.
“Ang pagserbisyo natin as public servant, and also my career, continue pa rin.”
The post Manny Pacquiao Shrugs off Duterte's Joke About Being the Next President appeared first on PEP.
Share It To Your Friends!
Loading...